22 Linggó sa Karaniwang Panahón, 9/1/2024
Leksyonaryo 125Mga Awit sa Kapistahang Itó
Mga Pagbasa
Pagbasa 1: Deuteronomo 4:1-2, 6-8
Pagpapahayag mula sa Aklat ng DeuteronomioSinabi ni Moises sa mga tao:
“Ngayon,
mga Israelita,
upang mabuhay kayó nang matagal
at makarating sa lupaing ibinigay sa inyó ng Panginoón,
unawain ninyóng mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyó.
Huwag ninyó itong daragdagan ni babawasan.
Sundin ninyó ito nang walang labis at walang kulang.
Unawain ninyó ito at sunding mabuti.
Sa gayon,
makikita ng ibang bansa ang inyóng karunungan at lawak ng pang-unawa.
Sa gayon,
hindi nila mapipigilang sabihin ang ganito:
‘Ang bansang ito’y matalino at may malawak na pagkaunawa.’
Sinong Diyós ng ibang bansa ang handang tumulong
ano mang oras liban sa Panginoón?
Aling bansa ang may tuntuning kasing-inam ng mga tuntuning
ibinigay ko sa inyó ngayon?"
1674
Tugon sa Salmo: Tugon sa Awit
1675
Salmong Tugunan: Awit 015:2-3a, 3b-4a, 4b-5
Yaong mga masunurin na sa iyo’y nakikinig,at ang laging ginagawa’y naaayon sa matuwid.
Kung mangusap ay totoo, sa lahát at bawat saglit,
yaong gawang paninira’y hindi niyá naiisip.
Kailanman, siyá’y tapat makisama sa kapwa,
sa kaniyáng kaibiga’y wala siyáng maling gawa.
Hindi siyá nagkakalat ng di tunay na balita.
At itinatampok niyá ang matapat sa lumikha.
Hindi siyá humihingi ng patubo sa pautang,
at kahit na anong gawi’y hindi siyá masuhulan,
upang yaong walang sala’y patawan ng kasalanan.
Ang ganitong mga tao’y mag-aani ng tagumpay.
1676
Pagbasa 2: Sulat ni Santiago 1:17-18, 21b-22, 27
Pagpapahayag mula sa Sulat ni Apostol SantiagoMga kapatid:
Bawat kaloob na mabuti at ganap ay buhat sa langit,
mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa langit.
Hindi siyá nagbabago.
Hindi niyá tayo iniiwan o binabayaan man sa dilim.
Niloob niyáng tayo’y maging anak niyá
sa pamamagitan ng salita ng katotohanan,
upang matangi tayo
at maging higit sa lahát ng kaniyáng mga nilalang.
Buong pagpapakumbabang tanggapin ang salita ng Diyós
na natanim sa inyóng puso.
Ito ang makapagliligtas sa inyó.
Mamuhay kayó ayon sa salita ng Diyós.
Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyó ngunit hindi isinasagawa,
dinadaya ninyó ang inyóng sarili.
Ganito ang pagkarelihiyoso na minamarapat
at kinalulugdan ng ating Diyós at Ama:
tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kahirapan,
at ingatan ang sarili na huwag mahawa sa kasamaan ng sanlibutang ito.
1677
Magandang Balita: Marcos 7:1-8, 14-15, 21-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoón ayon kay San MarcosNoong panahong iyon,
may mga Pariseo at ilang eskribang galing sa Jerusalem,
na lumapit kay Hesús.
Nakita nila na ang ilan sa mga alagad ni Hesús ay kumain
nang hindi muna naghugas ng kamay
sa paraang naaayon sa turong minana nila.
Ang mga Judio,
lalo na ang mga Pariseo,
ay hindi kumakain hangga’t hindi nakapaghuhugas ng kamay
ayon sa mga turong minana nila sa kanilang mga ninuno.
Hindi rin silá kumakain ng anumang galing sa palengke
nang hindi muna ito hinuhugasan.
At marami pang ibang minanang turo ang kanilang sinusunod,
tulad ng tanging paraan ng paghuhugas ng mga inuman,
ng mga saro,
ng mga sisidlang tanso,
at mga higaan.
Kaya’t tinanong si Hesús ng mga Pariseo at mga eskriba,
“Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo
sa mga turo ng ating mga ninuno?
Kumain silá nang hindi man lamang naghugas ng kamay
ayon sa paraang iniutos!"
Sinagot silá ni Hesús,
“Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyó.
Mapagpaimbabaw nga kayó,
gaya ng kaniyáng isinulat:
‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang,
sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
Pagpuri’t pagsambang ginagawa nila’y walang kabuluhan,
ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.’
Niwawalang- kabuluhan nga ninyó ang utos ng Diyós,
at ang sinusunod ninyó’y ang turo ng tao."
Muling pinalapit ni Hesús ang mga tao at sinabi sa kanila,
“Makinig kayóng lahát,
at unawain ang aking sasabihin!
Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi
sa kaniyá sa mata ng Diyós
kundi ang mga nagmumula sa kaniyá.
Sapagkat sa loob – sa puso ng tao
– nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kaniyá na makiapid,
magnakaw,
pumatay,
mangalunya,
mag-imbot,
at gumawa ng lahát ng kabuktutan,
tulad ng pagdaraya,
kahalayan,
pagkainggit,
paninirang-puri,
kapalaluan,
at kahangalan.
Ang lahát ng ito’y nanggagaling sa puso ng tao,
at siyáng nagpaparumi sa kaniyá."
1678
Magandáng Balità Biblia © 1980 Philippine Bible Society. All rights reserved.
Uwian, Ugnay, Yaman, Sinugboanon, Ilocano, Capampangan, Pangasinan
Welcome.
Magsimba. Litúrhiya. Filipino. www.magsimba.com Filipino Catholic Liturgical Resources Since 2006
Please pray for our work and make a donation. Please help. Salamat po.
Ang Aming Pakay: Mga yaman ng Litúrhiyang Tagalog | Litúrhiyang Filipino sa paghahandâ ng lingguhang pagdiriwang sa Misang Tagalog | Misang Filipino, sa Eukaristiya, ng pagliligtás ni Hesús sa atin: mga awit, salmong Tagalog, salmong Filipino, pagbasa sa Filipino | Tagalog.
Our mission: Filipino liturgy | Tagalog liturgy resources for preparing for the Tagalog Mass | Filipino Mass, the weekly celebration in the Eucharist of our redemption by Jesus: Tagalog hymns, Tagalog songs, Tagalog psalms, Tagalog readings, Filipino hymns, Filipino songs, Filipino psalms, Filipino readings, Pilipino hymns, Pilipino songs, Pilipino psalms, Pilipino readings for the Tagalog Eucharist, Filipino Eucharist.
Karapatáng-sipì © 2006-2022 Magsimba Press. Vic Romero, Editor. Nakabukód lahát ang karapatán. All rights reserved. Since 2006-08-04. Write to us at info@magsimba.com. Dumadalaw kayó mulâ sa IP 3.236.100.210