Misa, Liturhiya, Pagbasa, Awit sa
UwianUgnayYamanSinugboanonIlocanoCapampanganPangasinan

18 Linggó sa Karaniwang Panahón, 8/4/2024

Leksyonaryo 113

Mga Awit Mga Awit sa Kapistahang Itó

Mga Pagbasa

Pagbasa 1: Exodo 16:2-4, 12-15

Pagpapahayag mula sa Aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon,
ang mga Israelita’y nagreklamo kina Moises at Aaron.
Sinabi nila,
“Mabuti pa sana’y pinatay na kami ng Panginoón sa Ehipto.
Doon,
nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin.
Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyó sa amin,
mamamatay kami sa gutom."
Sinabi ng Panginoón kay Moises,
“Pauulanan ko kayó ng tinapay mula sa langit.
Araw-araw,
palalabasin mo ng bahay ang mga tao
para mamulot ng kakanin nila sa maghapon.
Sa pamamagitan nito’y susubukin ko
kung hanggang saan nila susundin ang aking mga tagubilin.
Narinig ko ang reklamo ng mga Israelita.
Sabihin mo sa kanila na pagtatakip-silim,
bibigyan ko silá ng karne.
Sa umaga,
bibigyan ko silá ng tinapay hanggang gusto nila.
Sa gayo’y malalaman nilang akó ang Panginoón,
ang kanilang Diyós."
Nang magtakip-silim,
dumagsa sa kampo ang napakaraming pugo.
Kinaumagahan naman
ay makapal na makapal ang hamog sa paligid ng kampo.
Nang mapawi ang hamog,
nakita nilang ang lupa’y nalalatagan
ng maliliit at maninipis na bagay na animo’y pinipig.
Hindi nila alam kung ano iyon,
kaya nagtanungan silá,
“Ano kaya ito?"
Sinabi ni Moises,
“Iyan ang tinapay na bigay sa inyó ng Panginoón."


1606

Tugon sa Salmo: Tugon sa Awit




1607

Salmong Tugunan: Awit 078:3-4, 23-24, 25+54

Ito’y aming narinig na, kaya naman aming alam,
nagbuhat sa aming nuno na sa ami’y isinaysay.
Totoong kahanga-hanga ang tinutukoy na bagay,
mga ginawang dakila ng Panginoóng Maykapal.

Gayon pa man, itong Diyós nagutos sa kalangitan,
at ang mga pinto nito’y agad-agad na nabuksan.
Bunga nito, ang pagkai’y bumuhos na parang ulan,
ang pagkain nilang manna, sa kanila’y ibinigay.

Ang kaloob na pagkai’y pagkain ng mga anghel,
hindi silá nagkukulang, masagana kung dumating.
Inihatid silá ng D’yos sa banal niyáng lupain,
sa bundok niyáng inagaw sa kalabang naniniil.


1608

Pagbasa 2: Sulat sa mga Taga-Efeso 4:17, 20-24

Pagpapahayag mula sa Sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Mga kapatid,
sa ngalan ng Panginoón,
ito ang sinasabi ko’t iginigiit:
huwag na kayóng mamuhay na gaya ng mga Hentil.
Walang kabuluhan ang kanilang iniisip.
Hindi ganyan ang natutuhan ninyó kay Kristo
– kung talagang pinakinggan ninyó ang aral niyá
at naturuan kayó ng katotohanang na kay Hesús.
Iwan na ninyó ang dating pamumuhay.
Hubarin na ninyó ang dating pagkatao,
na napapahamak
dahil sa masasamang pita.
Magbago na kayó ng diwa at pag-iisip;
at ang dapat makita sa inyó’y
ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyós,
kalarawan ng kaniyáng katuwiran at kabanalan.


1609

Magandang Balita: Juan 6:24-35

Ang Mabuting Balita ng Panginoón ayon kay San Juan

Noong panahong iyon,
nang makita ng mga tao na wala na si Hesús,
ni ang kaniyáng mga alagad,
sa lugar na kinainan ni Hesús ng tinapay,
silá’y sumakay sa mga bangka at pumunta rin sa Capernaum
upang hanapin si Hesús.

Nakita nila si Hesús sa ibayo ng lawa,
at kanilang tinanong,
“Rabi, kailan pa kayó rito?"
Sumagot si Hesús,
“Sinasabi ko sa inyó:
hinahanap ninyó akó,
hindi dahil sa mga kababalaghang nakita ninyó,
kundi dahil sa nakakain kayó ng tinapay at nabusog.
Gumawa kayó,
hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira,
kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira
at nagbibigay ng buhay na walang hanggan.
Ibibigay ito sa inyó ng Anak ng Tao,
sapagkat siyá ang binigyan ng kapangyarihan ng Diyós Ama."

Kaya’t siyá’y tinanong nila,
“Ano po ang dapat naming gawin
upang aming maganap ang kalooban ng Diyós?"
“Ito ang ipinagagawa sa inyó ng Diyós:
manalig kayó sa sinugo niyá,” tugon ni Hesús.
“Ano pong kababalaghan ang maipakikita ninyó
upang manalig kami sa inyó?
Ano po ang gagawin ninyó?"
tanong nila.
“Ang aming mga magulang ay kumain ng manna sa ilang,
ayon sa nasusulat,
‘Silá’y binigyan niyá ng pagkaing mula sa langit,’ ” dugtong pa nila.

Sumagot si Hesús,
“Dapat ninyóng malamang
hindi si Moises ang nagbigay sa inyó ng pagkaing mula sa langit,
kundi ang aking Ama.
Siyá ang nagbibigay sa inyó ng tunay na pagkaing mula sa langit.
Sapagkat ang pagkaing bigay ng Diyós
ay yaong bumaba mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sanlibutan."
“Ginoo,” wika nila,
“bigyan po ninyó kaming lagi ng pagkaing iyon."
“Akó ang pagkaing nagbibigay-buhay,” sabi ni Hesús.
“Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom,
at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman."


1610

Magandáng Balità Biblia © 1980 Philippine Bible Society. All rights reserved.
UwianUgnayYamanSinugboanonIlocanoCapampanganPangasinan

Welcome.
Magsimba. Litúrhiya. Filipino. www.magsimba.com Filipino Catholic Liturgical Resources Since 2006

Please pray for our work and make a donation. Please help. Salamat po.



Ang Aming Pakay: Mga yaman ng Litúrhiyang Tagalog | Litúrhiyang Filipino sa paghahandâ ng lingguhang pagdiriwang sa Misang Tagalog | Misang Filipino, sa Eukaristiya, ng pagliligtás ni Hesús sa atin: mga awit, salmong Tagalog, salmong Filipino, pagbasa sa Filipino | Tagalog.

Our mission: Filipino liturgy | Tagalog liturgy resources for preparing for the Tagalog Mass | Filipino Mass, the weekly celebration in the Eucharist of our redemption by Jesus: Tagalog hymns, Tagalog songs, Tagalog psalms, Tagalog readings, Filipino hymns, Filipino songs, Filipino psalms, Filipino readings, Pilipino hymns, Pilipino songs, Pilipino psalms, Pilipino readings for the Tagalog Eucharist, Filipino Eucharist.
Karapatáng-sipì © 2006-2022 Magsimba Press. Vic Romero, Editor. Nakabukód lahát ang karapatán. All rights reserved. Since 2006-08-04. Write to us at right arrow info@magsimba.com. Dumadalaw kayó mulâ sa IP 18.207.255.67