Misa, Liturhiya, Pagbasa, Awit sa
UwianUgnayYamanSinugboanonIlocanoCapampanganPangasinan

16 Linggó sa Karaniwang Panahón, 7/21/2024

Leksyonaryo 107

Mga Awit Mga Awit sa Kapistahang Itó

Mga Pagbasa

Pagbasa 1: Jeremias 23:1-6

Pagpapahayag mula sa Aklat ni Propeta Jeremias

Parurusahan ng Panginoón ang mga namumunong
walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan
at pinababayaang ang mga ito’y mangalat at mamatay.
Ito ang sabi ng Panginoón,
ang Diyós ng Israel,
tungkol sa mga tagapanguna ng kaniyáng bayan:

“Pinapangalat ninyó at pinabayaan ang aking kawan.
Hindi ninyó silá binantayan kaya’t kayó’y parurusahan ko
dahil sa inyóng ginawang ito.
Akó na ang magtitipon sa nalabi sa aking mga tupa
mula sa lahát ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila.
Ibabalik ko silá sa kanilang tinubuang lupa,
at silá’y muling darami.
Hihirang akó ng mga pastol na magmamalasakit
at mangangalaga sa kanila.
Hindi na silá muli pang daranas ng takót at agam-agam,
at wala nang maliligaw kahit isa.

Akóng Panginoón ang may sabi nito."
“Nalalapit na ang araw,” sabi ng Panginoón,
“na pasisibulin ko mula sa lahi ni David ang isang sangang matuwid,
isang hari na buong karunungang maghahari.
Paiiralin niyá sa buong lupain ang batas at katarungan.
Magiging matiwasay ang Juda sa panahon ng kaniyáng pamamahala,
at ang Israel ay mapayapang mamumuhay.
Ito ang pangalang itatawag sa kaniyá:
‘Ang P anginoon ay Matuwid.’ ”

1572

Tugon sa Salmo: Tugon sa Awit

Pastol ko'y Panginoong Diyos, di ako magdarahop!

Pakinggan
Mas malaki at malinaw na larawan:
16-Linggo-KP


1573

Salmong Tugunan: Awit 023:1-3a, 3b-4, 5, 6

Panginoo’y aking Pastol, hindi akó magkukulang.
Akó’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niyá akó sa tahimik na batisan,
binibigyan niyá akó niyong bagong kalakasan.

At sangayon sa pangakó na kaniyáng binitiwan,
sa matuwid na landasi’y doon akó inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi akó matatakót pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.

Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang akó’y nabubuhay;
doon akó sa templo mo lalagi at mananahan.


1574

Pagbasa 2: Sulat sa mga Taga-Efeso 2:13-18

Pagpapahayag mula sa Sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid:
Ngayon,
dahil sa inyóng pakikipag- isa kay Kristo Hesús,
kayóng dating nasa malayo ay nailapit sa pamamagitan ng kaniyáng kamatayan.
Pinagkasundo niyá tayo.
Kaming mga Judio at kayóng mga Hentil ay kaniyáng pinag-isa.
Sa pamamagitan ng kaniyáng katawan,
pinawi niyá ang alitan na parang pader na naghihiwalay sa atin.
Pinawalang-bisa niyá ang Kautusang pawang mga utos at tuntunin
upang pag-isahin sa kaniyá ang dalawang bayan at maghari ang kapayapaan.
Sa pamamagitan ng kaniyáng kamatayan sa krus,
winakasan niyá ang alitan ng dalawang bayan,
kapwa pinapanumbalik sa Diyós at pinagbuklod sa iisang katawan.
Naparito si Kristo at ipinangaral sa lahát ang Mabuting Balita ng kapayapaan
– sa inyóng mga Hentil na malayo sa Diyós,
at sa mga Judio na malapit sa kaniyá.
Dahil kay Kristo,
tayo’y kapwa makalalapit sa Ama sa pamamagitan ng Espiritu.


1575

Magandang Balita: Marcos 6:30-34

Ang Mabuting Balita ng Panginoón ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon,
bumalik kay Hesús ang mga apostol
at iniulat ang lahát ng kanilang naisagawa at naituro.
Napakaraming taong dumarating at umaalis,
anupa’t hindi na makuhang kumain ni Hesús at ng kaniyáng mga alagad.

Kaya’t sinabi niyá sa mga ito,
“Magtungo kayó sa isang ilang na pook
upang malayo sa karamihan at makapagpahinga kayó nang kaunti."
Umalis siláng lulan ng bangka,
at nagpunta nga sa isang ilang na dakó.
Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakilala silá.
Kaya’t mula sa lahát ng bayan,
ang mga tao’y patakbong tumungo sa dakóng pupuntahan nina Hesús at nauna pang dumating doon kaysa kanila.

Paglunsad ni Hesús,
nakita niyá ang napakaraming tao;
nahabag siyá sa kanila
sapagkat para siláng mga tupang walang pastol.
At silá’y tinuruan niyá ng maraming bagay.


1576

Magandáng Balitŕ Biblia © 1980 Philippine Bible Society. All rights reserved.
UwianUgnayYamanSinugboanonIlocanoCapampanganPangasinan

Welcome.
Magsimba. Litúrhiya. Filipino. www.magsimba.com Filipino Catholic Liturgical Resources Since 2006

Please pray for our work and make a donation. Please help. Salamat po.



Ang Aming Pakay: Mga yaman ng Litúrhiyang Tagalog | Litúrhiyang Filipino sa paghahandâ ng lingguhang pagdiriwang sa Misang Tagalog | Misang Filipino, sa Eukaristiya, ng pagliligtás ni Hesús sa atin: mga awit, salmong Tagalog, salmong Filipino, pagbasa sa Filipino | Tagalog.

Our mission: Filipino liturgy | Tagalog liturgy resources for preparing for the Tagalog Mass | Filipino Mass, the weekly celebration in the Eucharist of our redemption by Jesus: Tagalog hymns, Tagalog songs, Tagalog psalms, Tagalog readings, Filipino hymns, Filipino songs, Filipino psalms, Filipino readings, Pilipino hymns, Pilipino songs, Pilipino psalms, Pilipino readings for the Tagalog Eucharist, Filipino Eucharist.
Karapatáng-sipì © 2006-2022 Magsimba Press. Vic Romero, Editor. Nakabukód lahát ang karapatán. All rights reserved. Since 2006-08-04. Write to us at right arrow info@magsimba.com. Dumadalaw kayó mulâ sa IP 18.207.255.67