
1 Linggó ng 40-Araw – C, 3/9/2025
Leksyonaryo 24
Mga Pagbasa
Pagbasa 1: Deuteronomo 26:4-10
Sinabi ni Moises sa bayan:Ang mga unang bungang iaalay ay kukunin ng saserdote
at ilalagáy sa haráp ng altár.
Pagkatapos ay saysayín ninyó itó sa harapán ng Panginoón:
'Isáng pagalá-galáng Arameo ang aming ninunò.
Maliít ang kaniyáng sambahayán,
nang magpuntá silá sa Egipto upang doón makipamayan.
Ngunit dumatíng ang panahón
na ang angkán niyá'y nagíng malakí at makapángyarihang bansa.
Hindi mabuti ang ginawáng pakikitungo sa amin ng mga Egipcio.
Pinahirapan nilá kamí at inalipin.
Kaya, dumulóg kamí sa inyó,
Panginoón, Diyós ng aming mga ninuno.
At dininíg ninyó kamí.
Nakita ninyó ang aming pagdurusa,
ang kahirapan at kaapihang dinaranas.
Sa pamamagitan ng inyóng kapángyarihan,
ng mga kakila-kilabot na gawâ at mga kababalaghán,
inalís ninyó kamí sa Egipto at dinalá sa lupaíng itóng sagana sa lahát ng bagay.
Kaya, narito ngayón, Panginoón,
ang unang bunga ng aming pananim sa lupaíng ibinigáy mo sa amin.'
Pagkasabi noón,
ang dalá ninyó'y ilalapag sa haráp ng altár,
saka kayó luluhód upang sambahín ang Panginoón."
1130
Tugon sa Salmo: Tugon sa Awit

1131
Salmong Tugunan: Awit 091:1-2, 10-11, 12-13, 14-15
Siyáng naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,at nananatili sa kalinga niyong Makapangyarihan;
makapagsasabi sa kaniyáng Panginoón: “Muog ka’t tahanan,
ikaw ang aking Diyós, ang Diyós na tangi kong pinagtiwalaan.”
Di mo aabuting ika’y mapahamak, at walang daratal
kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.
Susuguin niyá ang maraming anghel, silá’ng susubaybay,
kahit saang dakó ikaw maparoon, tiyak iingatan.
Sa kanilang palad ay itatayo ka’t, silá’ng magtataas
nang hindi masaktan ang mga paa mo sa batong matalas.
Kahit ang tapakan mo ay mga leon, ahas na mabagsik,
di ka maaano sa mga serpiyente’t leong mababangis.
Ang sabi ng Diyós, “Aking ililigtas ang tapat sa akin,
at iingatan ko ang sino mang taong akó’y kikilalanin.
Pag silá’y tumawag, laging handa akó na silá’y pakinggan,
aking sasamahan at kung may hilahil ay sasaklolohan;
aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.”
1132
Pagbasa 2: Sulat sa mga Taga-Roma 10:8-13
Mga kapatid:Itó ang sinasabi ng Banál na Kasulatan:
"Malapit sa iyó ang salita,
nasa iyóng mga labi at nasa iyóng puso,"
ibig sabihi'y ang salitang pinangángaral namin tungkól sa pananampalataya.
Kung ipaháhayág ng iyóng mga labi na si Hesús ay Panginoón
at mananalig ka nang buóng puso na siyá'y muling binuhay ng Diyós,
maliligtás ka.
Sapagkát nananalig ang tao sa pamamagitan ng kaniyáng puso
at sa gayó'y napawawaláng-sala;
at nagpápahayág sa pamamagitan ng kaniyáng labi
at sa gayó'y naliligtás.
Sinabi ng Kasulatan,
"Hindi mabibigo ang sinumáng nananalig sa kaniyá.
"Waláng pagkakaibá ang katayuan ng Judio at ng Griego.
Iisá ang Panginoón ng lahát
at siyá ang nagkakaloób ng kaniyáng kayamanan
sa lahát ng tumatawag sa kaniyá.
Sapagkát sinasabi sa Kasulatan,
"Maliligtás ang lahát ng tumatawag sa pangalan ng Panginoón."
1133
Pambungad:


1134
Magandang Balita: Mabuting Balita ayon kay San Lucas 4:1-13
Noóng panahóng iyón:Umalís si Hesús sa Jordan,
puspós ng Espíritu Santo.
Dinalá siyá ng Espíritu doón sa iláng,
at sa loób ng apat-napung araw ay tinuksó ng diyablo.
Hindi siyá kumain sa buóng panahóng iyón,
kaya't gutóm na gutóm siyá.
Sinabi sa kaniyá ng diyablo,
"Kung ikáw ang Anák ng Diyós,
iutos mo na maging tinapay ang mga batóng itó."
Ngunit sinagót siyá ni Hesús:
"Nasusulat,
'Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao.'"
Dinalá siyá ng diyablo sa isáng nápakataás na lugár
at sa isáng saglít ay ipinakita sa kaniyá
ang lahát ng kaharian ng sanlibután.
"Ibibigáy ko sa iyó ang lahát ng kapangyarihan
at kadakilaan ng mga kahariang itó," wika ng diyablo.
"Ipinagkaloób itó sa akin
at maibibigáy ko sa kaninumáng ibigin ko.
Kayá't kung akó'y sasambahin mo,
magiging iyóng lahát itó."
Ssmagót si Hesús:
"Nasusulat,
'Ang iyóng Diyós at Panginoón ang sasambahín mo,
at siyá lamang ang iyóng paglilingkurán.'"
At dinalá siyá ng diyablo sa taluktók ng templo ng Jerusalem,
at sinabi sa kaniyá,
"Kung ikaw ang Anák ng Diyós,
magpatihulog ka,
sapagkát nasusulat,
'Ipagbibilin niyá sa kaniyáng mga anghél na ingatan ka'
at
'Aalalayan ka nilá,
upang hindi ka matisod sa bató.'"
Subalit sinagót siyá ni Hesús,
"Nasusulat,
'Huwág mong subukin ang Panginoón mong Diyós!'"
Pagkatapos siyáng tuksuhin ng diyablo sa lahát ng paraán,
itó'y umalís at naghintáy ng ibáng pagkakataon.
1135
Magandáng Balità Biblia © 1980 Philippine Bible Society. All rights reserved.
Uwian, Ugnay, Yaman, Sinugboanon, Ilocano, Capampangan, Pangasinan

Welcome.
Magsimba. Litúrhiya. Filipino. www.magsimba.com Filipino Catholic Liturgical Resources Since 2006
Please pray for our work and make a donation. Please help. Salamat po.
Ang Aming Pakay: Mga yaman ng Litúrhiyang Tagalog | Litúrhiyang Filipino sa paghahandâ ng lingguhang pagdiriwang sa Misang Tagalog | Misang Filipino, sa Eukaristiya, ng pagliligtás ni Hesús sa atin: mga awit, salmong Tagalog, salmong Filipino, pagbasa sa Filipino | Tagalog.
Our mission: Filipino liturgy | Tagalog liturgy resources for preparing for the Tagalog Mass | Filipino Mass, the weekly celebration in the Eucharist of our redemption by Jesus: Tagalog hymns, Tagalog songs, Tagalog psalms, Tagalog readings, Filipino hymns, Filipino songs, Filipino psalms, Filipino readings, Pilipino hymns, Pilipino songs, Pilipino psalms, Pilipino readings for the Tagalog Eucharist, Filipino Eucharist.
Karapatáng-sipì © 2006-2025 Magsimba Press. Vic Romero, Editor. Nakabukód lahát ang karapatán. All rights reserved. Since 2006-08-04. Dumadalaw kayó mulâ sa IP 18.224.184.41