Misa, Liturhiya, Pagbasa, Awit sa
UwianUgnayYamanSinugboanonIlocanoCapampanganPangasinan

34 Linggó sa Karaniwang Panahón - C: Kristong Hari, 11/20/2022

Leksyonaryo 162

Mga Awit Mga Awit sa Kapistahang Itó

Mga Pagbasa

Pagbasa 1: 2 Samuel 5:1-3


Pagpapahayag mula sa Ikalawang Aklat ni Propeta Samuel

Noong mga araw na iyón,
nagkaisa ang lahat ng angkan ng Israel
na pumunta sa Hebron upang makipagkita kay David.
Sinabi nila,
“Kami’y laman ng iyóng laman at dugo ng iyóng dugo.
Nang si Saul ang hari namin,
nanguna ka sa mga kawal ng Israel sa pakikipagdigma.
Ipinangako sa iyó ng Panginoón na gagawin ka niyáng hari
upang mamuno sa kaniyáng bayan.”

Lahat ng matatanda ng Israel ay nagpunta nga sa Hebron
at doo’y nakipagkasundo sa kaniyá sa harapan ng Panginoón.
Binuhusan nila ng langis si David at kinilalang hari sa Israel.

Magandáng Balità Bíblia © 1980 Philippine Bible Society. All rights reserved.
1892

Tugon sa Salmo: Tugon sa Awit

Pareho ang tugón sa salmo sa Kristong Harì at sa 1 Linggó sa Pagdatíng.

Masayá tayong papasok sa tahanan ng Poóng D’yós!

Masayá tayong papasok sa tahanan ng Poóng D’yós
1893

Salmong Tugunan: Awit 0122:1-2, 3-4a, 4b-5

Akó ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kamí matapos sapitin,
ang pintuang-lunsod nitóng Jerusalem.

Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang magsambahan, ang hangad,
ang Poon ay pasalamatan,
pagkat itó’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroón ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.

Magandáng Balità Bíblia © 1980 Philippine Bible Society. All rights reserved.
1894

Pagbasa 2: Sulat sa mga Taga-Colosas 1:12-20

Pagpapahayag mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga- Colosas

Mga kapatid:
Magpasalamat kayó sa Ama,
sapagkat minarapat niyáng ibilang kayó sa mga hinirang
na magmamana ng kaharian ng kaliwanagan.
Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman
at inilipat sa kaharian ng kaniyáng minamahal na Anak.
Sa pamamagitan ng Anak,
tayo’y pinalaya at pinatawad sa ating mga kasalanan.
Si Kristo ay larawan ng Diyós na di-nakikita,
at siyáng may kapangyarihan sa lahat ng nilikha.
Sapagkat ang lahat ng nasa langit at nasa lupa,
nakikita man o hindi, pati ang mga naghahari at namamahala,
mga namumuno at may kapangyarihang espirituwal ay pawang nilikha ng Diyós sa pamamagitan niya at para sa kaniyá.
siyá’y una sa lahat, at sa kaniyá nasasalalay ang kaayusan ng lahat ng bagay.
siyá ang ulo ng simbahan na kaniyáng katawan.
siyá ang Una, ang Panganay na Anak – ang unang nabuhay na muli upang siyá ang maging pinakadakila sa lahat ng bagay.
Ipinasiyá ng Diyós na ang kaniyáng kalikasan ay manatili rin sa Anak,
at inibig niyáng ang sandaigdigan ay makipagkasundo sa kaniyá
sa pamamagitan ng Anak.
Sa pamamagitan ng pagkamatay nitó sa krus,
nagkasundo nga ang Diyós at ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa.

Bagong Tipán © 1973 Philippine Bible Society. All rights reserved.
1895

Pambungad:

Pagpalain dumarating sa ngalan ng Poon natin, paghahari’y kaniyáng angkin.
1896

Magandang Balita: Mabuting Balita ayon kay San Lucas 23:35-43


Ang Mabuting Balita ng Panginoón ayon kay San Lucas

Noong panahong iyón,
nilibak si Hesús ng mga pinuno ng bayan.
Anila,
“Iniligtas niya ang iba;
iligtas namán niya ngayon ang kaniyáng sarili,
kung siyá nga ang Mesiyás, ang hinirang ng Diyós!”

Nilibak din siyá ng mga kawal,
nilapitan at inalok ng maasim na alak.
Sinabi nila,
“Kung ikáw ang hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyóng sarili.”
At nakasulat sa ulunan niya sa wikang Griego, Latin at Hebreo,
“Ito ang Hari ng mga Judio.”

Tinuya siyá ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi,
“Hindi ba ikáw ang Mesiyás?
Iligtas mo ang iyóng sarili, pati na kamí!”

Ngunit pinagsabihan siyá ng kaniyáng kasama,
“Hindi ka ba natatakot sa Diyós?
Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya!
Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa;
ngunit ang taong itó’y walâng ginawang masama.”

At sinabi niya,
“Hesús, alalahanin mo akó kapag naghahari ka na.”
Sumagot si Hesús,
“Sinasabi ko sa iyó:
ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”



Bagong Tipán © 1973 Philippine Bible Society. All rights reserved.
1897

Magandáng Balità Biblia © 1980 Philippine Bible Society. All rights reserved.
UwianUgnayYamanSinugboanonIlocanoCapampanganPangasinan

Welcome.
Magsimba. Litúrhiya. Filipino. www.magsimba.com Filipino Catholic Liturgical Resources Since 2006

Please pray for our work and make a donation. Please help. Salamat po.



Ang Aming Pakay: Mga yaman ng Litúrhiyang Tagalog | Litúrhiyang Filipino sa paghahandâ ng lingguhang pagdiriwang sa Misang Tagalog | Misang Filipino, sa Eukaristiya, ng pagliligtás ni Hesús sa atin: mga awit, salmong Tagalog, salmong Filipino, pagbasa sa Filipino | Tagalog.

Our mission: Filipino liturgy | Tagalog liturgy resources for preparing for the Tagalog Mass | Filipino Mass, the weekly celebration in the Eucharist of our redemption by Jesus: Tagalog hymns, Tagalog songs, Tagalog psalms, Tagalog readings, Filipino hymns, Filipino songs, Filipino psalms, Filipino readings, Pilipino hymns, Pilipino songs, Pilipino psalms, Pilipino readings for the Tagalog Eucharist, Filipino Eucharist.
Karapatáng-sipì © 2006-2022 Magsimba Press. Vic Romero, Editor. Nakabukód lahát ang karapatán. All rights reserved. Since 2006-08-04. Write to us at right arrow info@magsimba.com. Dumadalaw kayó mulâ sa IP 44.200.171.156