Misa, Liturhiya, Pagbasa, Awit sa
UwianUgnayYamanSinugboanonIlocanoCapampanganPangasinan

23 Linggó sa Karaniwang Panahón - C, 9/7/2025

Leksyonaryo 129

Mga Awit Mga Awit sa Kapistahang Itó

Mga Pagbasa

Pagbasa 1: Karunungan 9:13-18b

Karunungan 9:13-19
Pagpapahayág mulâ sa Aklat ng Karunungan
“Sinong tao ang makatátarók ng kaisipan ng Diyós?
Sino ang makaaalám sa kalooban ng Panginoón?
Kapós ang kaisipán ng tao at marupók ang aming mga panukalà.
Sapagkát ang aming kaluluwá ay binabatak na pababâ
ng aming katawáng may kamatayan.
Ang aming katawáng lupa ay pabigát sa isipang punúng-punô ng mga panukalà.
Nahihirapan kamí para mahulaan man lamang ang nilalamán ng daigdig;
nahihirapan din kamí upang malaman
kung anó ang mga bagay sa paligid namin,
sino, kung gayón, ang makauunawa sa mga bagay na makalangit?
Waláng makaaalám ng iyóng kalooban
malibang bigyán mo siyá ng iyóng Karunungan,
at lukuban ng iyóng diwang banál mula sa kaitaasan.
Sa ganitóng paraán lamang maiwawastó mo ang mga tao sa matuwid na landás.”

Magandáng Balità Bíbliá © 1980 Philippine Bible Society. All rights reserved.
1696

Tugon sa Salmo: Tugon sa Awit


Poón amin kang tahanan noón, ngayón at kailanmán!
1697

Salmong Tugunan: Awit 090:3-4, 5-6, 12-13, 14+17

Awit 90
Yaóng taong nilikha mo’y bumabalik sa alabók,
sa lupa ay nagbabalik kapág iyóng iniutos.
Ang sanlibong mga taón ay para bang isáng araw,
sa mata mo, Panginoón, isáng kisapmatá lamang;
isáng saglit sa magdamág na itó ay dumaraán. Tugón

Mga tao’y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damó sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damóng tumutubo, na may tagláy na bulaklák,
kung gumabi’y nalalantá’t bulaklák ay nalalagas. Tugón

Yamang itóng buhay nami’y maikli lang na panahón,
itanim sa isip namin upang kamí ay dumunong.
Hanggáng kailán magtitiis na magdusa, Panginoón,
kaming iyóng mga lingkód na naghihirap sa ngayón? Tugón

Kung umaga’y ipadamá yaóng wagás mong pag-ibig,
at sa buóng buhay nami’y may galák ang aming awit.
Panginoón naming Diyós, kamí sana’y pagpalain,
magtagumpáy sana kamí sa anumáng aming gawin! Tugón

Magandáng Balità Bíblia © 1980 Philippine Bible Society. All rights reserved.
1698

Pagbasa 2: Sulat kay Filemon 9-10, 12-17

Filemón 9b-10, 12-17
Pagpapahayág mulâ sa Sulat ni San Pablo kay Filemón
Pinakamamahál ko, akóng si Pablo,
sugò ni Kristo Hesus at ngayó’y nakabilanggô dahil sa kaniyá,
ang nakikiusap sa iyó tungkól kay Onesimo,
na naaakit ko sa pananampalatayà
samantalang akó’y nariritó sa bilangguan.
Pinababalik ko siyá sa iyó,
at para ko nang ipinadalá sa iyó ang aking puso.
Ibig ko sanang panatilihin siyá sa aking piling,
upang, sa halip mo, siyá ang maglingkód sa akin
habang akó’y nabibilanggo dahil sa Mabuting Balita.
Ngunit ayokong gawin iyón
nang walâ kang pahintulot
upang hindî maging sapilitán
kundi kusa ang pagtulong mo sa akin.
Marahil, nawalay sa iyó nang kaunting panahón si Onesimo
upang sa pagbabalik niya’y makasama mo siyá habang panahón –
hindî na bilang alipin kundî isáng minamahal na kapatid.
Mahál siyá sa akin,
ngunit lalo na sa iyó – hindî lamang bilang isáng alipin
kundî isáng kapatid pa sa Panginoón.
Kaya’t kung inaari mo akóng tunay na kasama,
tanggapin mo siyá tulad ng pagtanggáp mo sa akin.

Bagong Tipán © 1973 Philippine Bible Society. All rights reserved.
1699

Pambungad:

Poón, iyóng pasikatin kagandahan ng loobin ng kabutihan mo sa ‘min.
1700

Magandang Balita: Mabuting Balita ayon kay San Lucas 14:25-33

Lucas 14:25-33
Ang Magandáng Balità ng Panginoón ayon kay San Lucas:
Noóng panahóng iyón, sumama kay Hesus ng napakaraming tao;
humaráp siyá sa kanilá at kaniyáng sinabi,
“Hindî maaaring maging alagád ko
ang sinumáng umiibig sa kaniyáng amá at iná
asawa at mga anák, mga kapatid,
at maging sa sarili niyáng buhay nang higit sa akin.
Ang sinumáng hindi magpasán ng sariling krus at sumunód sa akin
ay hindi maaaring maging alagád ko.
Kung ang isa sa inyó’y nagbabalak magtayo ng tore,
hindî ba uupo muna siyá at tatayahin ang magugugól
para malaman kung may sapát siyáng salaping maipagpapatapós niyón?
Baká mailagáy ang mga pundasyón
ngunit hindî namán maipatapós siyá’y kukutyain ng lahat ng makakikita nitó.
Sasabihin nila:
‘Nagsimuláng magtayô ang taong itó pero hindi naipatapós.’
O sinong harì na makikipag-digmâ sa kapwà harì
ang hindî muna uupo at pag-aaralang mabuti
kung ang sampunlibo niyáng kawal ay maisasagupa sa kalaban
na may dalawampunlibong tauhan?
At kung hindî niya kaya,
malayo pa ang kalaban ay magsusugò na siyá ng mga kinatawán
upang makipagkasundô.
Gayón din namán,
hindî maaaring maging alagád ko ang sinumán,
kung hindî niyá tatalikdán ang lahát sa kaniyáng buhay.”

Bagong Tipán © 1973 Philippine Bible Society. All rights reserved.
1701

Magandáng Balità Biblia © 1980 Philippine Bible Society. All rights reserved.
UwianUgnayYamanSinugboanonIlocanoCapampanganPangasinan

Welcome.
Magsimba. Litúrhiya. Filipino. www.magsimba.com Filipino Catholic Liturgical Resources Since 2006

Please pray for our work and make a donation. Please help. Salamat po.



Ang Aming Pakay: Mga yaman ng Litúrhiyang Tagalog | Litúrhiyang Filipino sa paghahandâ ng lingguhang pagdiriwang sa Misang Tagalog | Misang Filipino, sa Eukaristiya, ng pagliligtás ni Hesús sa atin: mga awit, salmong Tagalog, salmong Filipino, pagbasa sa Filipino | Tagalog.

Our mission: Filipino liturgy | Tagalog liturgy resources for preparing for the Tagalog Mass | Filipino Mass, the weekly celebration in the Eucharist of our redemption by Jesus: Tagalog hymns, Tagalog songs, Tagalog psalms, Tagalog readings, Filipino hymns, Filipino songs, Filipino psalms, Filipino readings, Pilipino hymns, Pilipino songs, Pilipino psalms, Pilipino readings for the Tagalog Eucharist, Filipino Eucharist.
Karapatáng-sipì © 2006-2025 Magsimba Press. Vic Romero, Editor. Nakabukód lahát ang karapatán. All rights reserved. Since 2006-08-04. Dumadalaw kayó mulâ sa IP 18.97.9.169