Misa, Liturhiya, Pagbasa, Awit sa
UwianUgnayYamanSinugboanonIlocanoCapampanganPangasinan

24 Linggó sa Karaniwang Panahón - C, 9/14/2025

Leksyonaryo 132

Mga Awit Mga Awit sa Kapistahang Itó

Mga Pagbasa

Pagbasa 1: Exodo 32:7-11, 13-14

Pagpapahayág mulâ sa Aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyón, sinabi ng Panginoón kay Moises,
“Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inialis mo sa Egipto,
naroon at nagpapakasamâ.
Tinalikdan nilá agad ang mga utos ko.
Gumawa silá ng guyang ginto.
Iyon ang sinasamba nilá ngayon at hinahandugan.
Ang sabi nilá’y iyón ang Diyós na nag-alis sa kanilá sa Egipto.
Kilala ko ang mga taong iyán at alam kong matigas ang kaniláng ulo.
Kung gustó mo,
lilipulin ko silá at sa iyó ko pagmumulain ang isang malaking bansa.”

Nagsumamo si Moises sa Panginoón:
“Huwag po!
Huwag ninyóng lilipulin ang mga taong inialis ninyó sa Egipto
sa pamamagitan ng inyóng kapangyarihan.
Alalahanin ninyó ang mga lingkod ninyóng sina Abraham, Isaac at Jacob.
Ipinangako ninyó sa kanilá na ang lahi nilá’y pararamihing
tulad ng mga bituin sa langit
at magiging kanilá habang panahon ang lupang ipinangako ninyó.”

Hindi nga itinuloy ng Panginoón ang balak na paglipol sa mga Israelita.


Magandáng Balità Bibliá © 1980 Philippine Bible Society. All rights reserved.
1714

Tugon sa Salmo: Tugon sa Awit



Babalík akó sa Amá, pagkát akó’y nagkasala!
1715

Salmong Tugunan: Awit 051:3-4, 12-13, 17+19

Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyós,
sang-ayon sa iyóng kagandahang loob;
mga kasalanan ko’y iyóng pawiin,
ayon din sa iyóng pagibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan! Tugón

Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyós, ng bagong damdamin.
Sa iyóng harapa’y h’wag akóng alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin. Tugón

Turuan mo akóng makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.
Ang handog ko, O Diyós, na karapatdapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat. Tugón
1716

Pagbasa 2: 1 Sulat kay Timoteo 1:12-17

Pagpapahayag mulâ sa Unang Sulat ni San Pablo kay Timoteo

Pinakamamahal ko,
nagpapasalamat akó kay Kristo Hesus na ating Panginoón,
na nagbibigay sa akin ng lakas para sa gawaing itó,
sapagkat akó’y minarapat niya at hinirang na maging lingkod.

Hinirang niya akó upang maglingkod sa kaniyá
bagamat noong una’y nagsalita akó laban sa kaniyá.
Bukod dito’y inusig ko siyá’t nilait.

Sa kabila nitó’y kinahabagan akó ng Diyós
sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa
noong hindi pa akó naniniwala sa kaniyá.

Iginawad sa akin ng Panginoón ang kaniyáng masaganang pagpapala,
kalakip ang pananampalataya at pag-ibig na nasa atin
dahil sa pakikipag-isa kay Kristo Hesus.

Narito ang isang katotohanang
dapat tanggapi’t paniwalaan ng lahat:
si Kristo Hesus ay naparito sa sanlibutan
upang iligtas ang mga makasalanan.
At akó ang pinakamasama sa lahat.

Ngunit kinahabagan akó ng Diyós
upang sa nangyari sa akin ay ipakita ni Kristo Hesus
kung gaano siyá katiyaga,
at maging halimbawa itó sa mga mananalig sa kaniyá
at pagkakalooban ng buhay na walâng hanggan.

Purihin at dakilain magpakailanman ang iisang Diyós,
Haring walâng hanggan,
walang kamatayan, at di nakikita!
Amen!

Bagong Tipán © 1973 Philippine Bible Society. All rights reserved.
1717

Pambungad:

Pinagkasundô ni Kristo ang Diyós at mga tao; kayá’t napatawad tayo.
1718

Magandang Balita: Mabuting Balita ayon kay San Lucas 15:1-32 o 15:1-10

Ang Mabuting Balita ng Panginoón ayon kay San Lucas

Noong panahong iyón,
ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit
upang makinig kay Hesus.
Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba.
Ang sabi nilá,
“Ang taong itó’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanilá.”

Kaya’t sinabi ni Hesus ang talinghagang itó:
“Kung ang sinuman sa inyó ay may sandaang tupa,
at mawala ang isa,
ano ang gagawin niya?
Iiwan ang siyámnapu’t siyám sa iláng at hahanapin ang nawawala
hanggang sa matagpuan, hindi ba?
Kapag nasumpungan na’y masaya niyáng papasanin itó.
Pagdating sa bahay,
aanyayahan niya ang kaniyáng mga kaibigan at mga kapitbahay.
Sasabihin niya,
‘Makipagsaya kayó sa akin,
sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang tupa kong nawawala!’

Sinasabi ko sa inyó,
magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit
dahil sa isang makasalanang nagsisisi’t
tumatalikod sa kaniyáng kasalanan
kaysa siyámnapu’t siyám na matuwid
na hindi nangangailangang magsisi.

O kaya,
kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak
at mawala ang isa, ano ang gagawin niya?
Sisindihan niya ang ilaw,
wawalisan ang bahay at hahanaping mabuti
hanggang sa masumpungan itó,
hindi ba?
Kapag nasumpungan na niya itó
ay aanyayahan niya ang kaniyáng mga kaibigan at mga kapitbahay.
Sasabihin niya,
‘Makipagsaya kayó sa akin,
sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang nawala kong salaping pilak!’

Sinasabi ko sa inyó,
gayon din ang kagalakan ng mga anghel ng Diyós
dahil sa isang makasalanang nagsisi’t tumalikod sa kaniyáng kasalanan.”

Bagong Tipán © 1973 Philippine Bible Society. All rights reserved.
1719

Magandáng Balità Biblia © 1980 Philippine Bible Society. All rights reserved.
UwianUgnayYamanSinugboanonIlocanoCapampanganPangasinan

Welcome.
Magsimba. Litúrhiya. Filipino. www.magsimba.com Filipino Catholic Liturgical Resources Since 2006

Please pray for our work and make a donation. Please help. Salamat po.



Ang Aming Pakay: Mga yaman ng Litúrhiyang Tagalog | Litúrhiyang Filipino sa paghahandâ ng lingguhang pagdiriwang sa Misang Tagalog | Misang Filipino, sa Eukaristiya, ng pagliligtás ni Hesús sa atin: mga awit, salmong Tagalog, salmong Filipino, pagbasa sa Filipino | Tagalog.

Our mission: Filipino liturgy | Tagalog liturgy resources for preparing for the Tagalog Mass | Filipino Mass, the weekly celebration in the Eucharist of our redemption by Jesus: Tagalog hymns, Tagalog songs, Tagalog psalms, Tagalog readings, Filipino hymns, Filipino songs, Filipino psalms, Filipino readings, Pilipino hymns, Pilipino songs, Pilipino psalms, Pilipino readings for the Tagalog Eucharist, Filipino Eucharist.
Karapatáng-sipì © 2006-2025 Magsimba Press. Vic Romero, Editor. Nakabukód lahát ang karapatán. All rights reserved. Since 2006-08-04. Dumadalaw kayó mulâ sa IP 18.97.14.88