Misa, Liturhiya, Pagbasa, Awit sa
UwianUgnayYamanSinugboanonIlocanoCapampanganPangasinan

8 Linggó sa Karaniwang Panahón - A, 2/26/2017

Leksyonaryo 82

Mga Awit Mga Awit sa Kapistahang Itó

Mga Pagbasa

Pagbasa 1: Propeta Isaias 49:14-15

Pagpapahayag mula sa Aklat ni propeta Isaias

Ang sabi ng mga taga-Jerusalem,
“Pinabayaan na tayo ng Panginoón.
Nakalimutan na niyá tayo."
Ang sagot ng Panginoón,
“Malilimot kaya ng ina ang sarili niyáng anak?
Hindi kaya niyá mahalin ang sanggol na iniluwal?
Kung mayroon mang inang lumilimot sa kaniyáng bunso,
akó’y hindi lilimot sa inyó kahit na sandali."


1468

Tugon sa Salmo: Awit 061

Ang tanging Tagapagligtas ay ang Diyós kong kalasag!


1469

Salmong Tugunan: Awit 061

Sa Diyós lamang akó tanging umaasa;
ang kaligtasa’y nagbubuhat sa kaniyá.
Tanging siyá lamang ang Tagapagligtas,
Tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahát ng oras!

Tanging sa Diyós lang akó umaasa;
ang aking pag-asa’y tanging nasa kaniyá.
Tanging siyá lamang ang Tagapagligtas,
Tagapagtanggol ko at aking kalasag.
Akin ang tagumpay sa lahát ng oras!

Ang kaligtasan ko’t aking karangalan ay buhat sa Diyós,
nasa kaniyá lamang;malakas ko siyáng tagapagsanggalang,
matibay na muog na aking kanlungan.
Mga kababayan, sa lahát ng oras magtiwala sa Diyós;
sa kaniyá ilagak ang inyóng pasaning ngayo’y dinaranas;
siyá ang kublihang sa ati’y lulunas.

Download
1470

Pagbasa 2: I Sulat sa mga Taga-Corinto 4:1-5

Pagpapahayag mula sa Unang Sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid,
kami’y mga lingkod ni Kristo,
at katiwala ng mga hiwaga ng Diyós –
ganyan ang dapat na maging palagay ninyó sa amin.
Ang katiwala’y kailangang maging tapat sa kaniyáng Panginoón.
Walang anuman sa akin ang akó’y hatulan ninyó
o ng alin mang hukuman ng tao;
ni akó ma’y di humahatol sa aking sarili.
Walang bumabagabag sa aking budhi,
ngunit hindi nangangahulugang akó’y walang kasalanan.
Ang Panginoón ang humahatol sa akin.
Kaya’t huwag kayóng humatol nang wala sa panahon;
maghintay kayó sa pagdating ng Panginoón.
ipahahayag ang mga lihim na hangarin ng bawat isa.
Sa panahong iyon,
bawat isa’y tatanggap ng papuring nauukol sa kaniyá mula sa Diyós.


1471

Pambungad: Sulat sa mga Ebreo 4:12

Buhay ang salita ng D’yos ganap nitong natatalos tanang ating niloloob.
1472

Magandang Balita: Mabuting Balita ayon kay San Mateo 6:24-34

Ang Mabuting Balita ng Panginoón ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon,
sinabi ni Hesús sa kaniyáng mga alagad:
“Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang Panginoón
sapagkat kapopootan niyá ang isa at iibigin ang ikalawa,
paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa.
Hindi kayó makapaglilingkod nang sabay sa Diyós at sa kayamanan.

Kaya’t sinasabi ko sa inyó:
huwag kayóng mabagabag
tungkol sa pagkain at inumin na kailangan ninyó upang mabuhay,
o tungkol sa damit na kailangan ng inyóng katawan.
Hindi ba’t ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain,
at ang katawan kaysa pananamit?

Masdan ninyó ang mga ibon:
hindi silá naghahasik ni nag-aani o kaya’y nagtitipon sa bangan.
Gayunman, pinakakain silá ng inyóng Amang nasa langit.
Hindi ba’t higit kayóng mahalaga kaysa mga ibon?

Sino sa inyó ang makapagpapahaba ng kaniyáng buhay
nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kaniyáng pagkabalisa?
At bakit kayó nababagabag tungkol sa pananamit?
Isipin ninyó kung paano sumisibol ang mga bulaklak sa parang;
hindi silá nagpapagal ni humahabi man.
Ngunit ito ang sasabihin ko sa inyó:
maging si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda
ng isa sa mga bulaklak na ito,
bagamat napakariringal ang mga damit niyá.

Kung ang mga damo sa kabukiran,
na buhay ngayon at kinabukasa’y iginagatong sa kalan,
ay dinaramtan ng Diyós,
kayó pa kaya?

Kay liit ng pananalig ninyó sa kaniyá!
Kaya’t huwag kayóng mabalisa
tungkol sa inyóng kakanin, iinumin, o daramtin.
Sapagkat ang mga bagay na ito
ang kinahuhumalingan ng mga taong wala pang pananalig sa Diyós.
Alam ng inyóng Amang nasa langit na kailangan ninyó ang lahát ng ito.

Ngunit pagsumakitan ninyó nang higit sa lahát
ang pagharian kayó ng Diyós
at mamuhay nang ayon sa kaniyáng kalooban,
at ipagkakaloob niyá ang lahát ng kailangan ninyó.
Kaya, huwag ninyóng ikabahala ang para sa araw ng bukas;
saka na ninyó harapin kapag ito’y dumating.
Sapat na sa bawat araw ang kaniyáng mga suliranin."


1473

Magandáng Balità Biblia © 1980 Philippine Bible Society. All rights reserved.
UwianUgnayYamanSinugboanonIlocanoCapampanganPangasinan

Welcome.
Magsimba. Litúrhiya. Filipino. www.magsimba.com Filipino Catholic Liturgical Resources Since 2006

Please pray for our work and make a donation. Please help. Salamat po.



Ang Aming Pakay: Mga yaman ng Litúrhiyang Tagalog | Litúrhiyang Filipino sa paghahandâ ng lingguhang pagdiriwang sa Misang Tagalog | Misang Filipino, sa Eukaristiya, ng pagliligtás ni Hesús sa atin: mga awit, salmong Tagalog, salmong Filipino, pagbasa sa Filipino | Tagalog.

Our mission: Filipino liturgy | Tagalog liturgy resources for preparing for the Tagalog Mass | Filipino Mass, the weekly celebration in the Eucharist of our redemption by Jesus: Tagalog hymns, Tagalog songs, Tagalog psalms, Tagalog readings, Filipino hymns, Filipino songs, Filipino psalms, Filipino readings, Pilipino hymns, Pilipino songs, Pilipino psalms, Pilipino readings for the Tagalog Eucharist, Filipino Eucharist.
Karapatáng-sipì © 2006-2022 Magsimba Press. Vic Romero, Editor. Nakabukód lahát ang karapatán. All rights reserved. Since 2006-08-04. Write to us at right arrow info@magsimba.com. Dumadalaw kayó mulâ sa IP 3.90.202.157